SIKHAYAN: Pagsisikap tungo sa Pag-angat ng Kabuhayan
By: Trixie Mae B. Umali

Isa sa mga pagkakakilanlan ng Santa Rosa bilang isang bayan ay ang makulay at masiglang pagdiriwang ng Sikhayan Festival na taunang idinaraos tuwing buwan ng Enero. Kilala ito ng marami dahil sa masayang ingay na hatid ng Street Dance Competition na siyang pangunahin at pinakamalaking aktibidad ng selebrasyon. Ngunit, lingid sa kaalaman ng karamihan ay ang malalim at makabuluhang pinagmulan ng pagdiriwang na ito.
Ang Sikhayan o "Sikap Kabuhayan" ay hindi lamang isang simpleng festival. Itinuturing itong malaking bahagi ng kultura at kasaysayan ng lungsod dahil tumatalakay ito sa kwento ng pagsisikhay ng mga mamamayan na siyang naging susi sa pag-angat ng kanilang mga buhay at pag-unlad ng lungsod.
Kung ang ibang festival ay mga patron o natatanging produkto o signipikong pangyayari ang ipinagdiriwang, sa Lungsod ng Santa Rosa ang ipinagdiriwang at binbigyan pugay ng selebrasyon ay ang mga mamamayan. Ang pagsisikhay ng mga mamamayan ang siyang puso ng pagdiriwang na ito.
ANG SIKHAYAN AY ANG MAMAMAYAN
Sa isang panayam kay Gng. Mayet Bartolazo, ang "utak" ng Sikhayan Festival, nagsimula ang Sikhayan noong tanungin siya ni dating Mayor Leon C. Arcillas kung ano ang maaaring maging atraksyon o gawing festival sa noo'y munisipalidad pa lang na Santa Rosa.
Ito ay matapos magkaroon ng utos mula kay dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na nag-aatas sa lahat ng mga syudad at munisipalidad na magkaroon ng sariling festival.
Ayon kay Kapitan Mayet, noong panahong hiningian siya ng ideya ni Mayor Leon ay nagkataong nagsusulat at tini-trace niya kung paano nga ba nagsimula ang pag-angat ng Santa Rosa. Dito niya naisip na i-present ang mga nasaliksik niya at tawagin itong "Sikhayan".
Aniya, ang Sikhayan ay ang sama-samang pagsisikhay at pagsisikap ng mga taga-Santa Rosa tungo sa kabuhayan.
"Sa matandang salita sa atin, ang pagsisikhay ay pagsisikap. Aking tinunton kung kailan nagsimula ang pag-angat ng Santa Rosa at ito ay dahil sa pagsisikhay ng mga mamamayan," paliwanag niya.
Sa kanyang pagsasaliksik, pangingisda at pagsasaka ang unang kabuhayan ng Rosañan. Sa pamamagitan nito ay nagkaroon din ng pagkakataong makapag-transport ng mga isda at gulay ang mga mamamayan sa palengke.
Sa kwento ni Kapitan Mayet, maimis sa paghahawak ng pera ang mga Rosañan noon. Ang mga mamamayan ay madiskarte kung kaya't nakagawa sila ng iba't-ibang pagkakakitaan. At ito ay naging malaking tulong sa pagpapaunlad ng kanilang buhay.
"Noong maunlad na ang buhay ay unti-unti na ring nakapag-aral ang mga sumunod na henerasyon. At dahil nakapag-aral na, dito nagsimulang bumangon ang (bayan) sa tulong ng industriyalisasyon. Nagkaroon ng mga pabrika at iba't ibang insitusyon kung kaya't nabigyan ng pagkakataong makapag-hanapbuhay ang mga mamamayan," kwento niya.
"Dahil marami nang taong kumikita, nagkaroon na rin ng development sa pabahay at marami ang nagbukas na mga pamayanan katulad ng mga subdivision. Habang dumadami ito, lalong dumadami ang mga mamamayan, lalong sumisikat ang kabuhayan ng Santa Rosa," dagdag pa niya.
SIKHAYAN NOON
Bukod sa pinagmulan ng Sikhayan, ibinahagi rin ni Kapitan Mayet ang kauna-unahang pagsasagwa noon ng Sikhayan Festival. Ayon sa kanya, ipinakita nila sa pinakaunang Sikhayan ang yugto-yugtong pag-angat ng kabuhayan ng Santa Rosa.
Kung ngayon ay Street Dance Competition ang "main act" ng pagdiriwang, noon ay ang "flat parade" na nagpapakita o nagsasadula ng mga ginagawa sa iba't ibang uri ng hanapbuhay gaya ng pagsasaka at pangingisda.
Mayroon ding 'float' na nagpapakita ang iba't ibang propesyon. Dito ay nakiki-isa at may partisipasyon ang lahat ng sektor at maging ang mga pabrika ay may kani-kaniyang 'float' din na nagpapakita ng kanilang mga produkto.
Ayon pa kay Kapitan Mayet, matapos ang parade ay isinasalaysay din noon sa mga mamamayan kung saan at paano nagsimula ang Sikhayan dahil layunin ng Santa Rosa na maging mulat ang mga mamamayan hindi lang sa pagdiriwang kundi sa kanilang kultura at tradisyon.
SIKHAYAN SA MGA SUSUNOD PANG TAON
Binigyan diin ni Kapitan Mayet na ang nais o layunin para sa Sikhayan ay ang maitatak sa isip ng mga mamamayan kung paano umangat at patuloy na umuunlad ang Santa Rosa.
Nais niyang mag-iwan ang Sikhayan Festival ng isang patunay sa kung paano sumigla ang ekonimiya at kabuhayan sa Santa Rosa—dahil masisikap ang mga mamamayan. Masikap sa hanapbuhay. Masikap sa pag-aaral.
"Natutuwa ako na iyong nasimulan ko ay ipinagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Gusto ko na patuloy ma-appreciate ng mga tao at maintindihan nila na kung hindi talaga magsisiskap walang matatamong kasaganaan. Gusto ko maging aware ang mga kabataan na ganito pala ang simula. Napakahirap ng Santa Rosa noon pero ngayon ay isa na sa pinakasikat na pamayanan," bahagi niya.
"Gusto ko ang Sikhayan ay manatili sa isip ng mga tao. Na ito pala ang significance ng Sikhayan. At kaya nagkaroon ng ganito ay dahil sadyang masisikap ang mga mamamayan. Lahat ay bunga ng pagsisikap noon ng mga taga Santa Rosa."